‘Ang pagtitiis kapaki-pakinabang’

The Long View · Philippine Daily Inquirer · June 23, 2005

NAKITA ni Rizal sa kanyang kapaligiran ang dinudulot ng kakulangan ng pag-asa. Sinikap niyang magbigay ng paraan upang maangkin ang pag-asa ng isang lipunang malaya ngunit responsable. Hanggang sa araw ng kanyang pagkamatay, nag-alala si Rizal na kung hindi maisapuso ng kanyang mga kababayan ang kahalagahan ng pagtitiis bilang kinakailangang paraan upang makatatag ng isang lipunang makatarungan, magiging kaakit-akit ang dahas bilang paraan upang malutas ang kasalukuyang suliranin. Sa kanyang talambuhay ni Rizal, tinalakay ng yumaong mamamahayag na si Teodoro M. Locsin ang sumusunod:

“Ang tinig ng pagtitimpi na nagmamakaawa para sa nararapat na pagsasagawa ng batas sa ilalim ng ganap na kalupitan, na nakikipagtalo para sa posibilidad ng paghikayat sa tigre na baguhin ang kanyang mga guhit at itigil ang kanyang pagiging tigre, ay hindi nakakakilala sa tigre. Upang pakiusapan ang tigre at ang tupa na humiga nang magkasama sa kaamuan-na para bang ito ay maaring mangyari-ay nagtatanggal

ng sandata sa tupa at nagpapakain sa tigre. Ito ay kahalintulad ng mga pariseo: paggawa sa kasamaan na may malinis na konsensiya. Sa wakas, ang tigre na namangmang na sa pamamalakad nang walang kalaban ay hindi na nakakaalam sa pagkakaiba ng kaibigan at pagkain at kakainin hindi lamang ang tupa kundi ang pariseo.”

Narito sa sinulat ni Locsin ang problemang naidudulot ng pilosopiya ni Rizal. Lahat ng tao ay may hangganan sa kanyang kakayahang magtiis. Darating din ang araw kung saan sasabihin ng isang tao, tulad ng sinabi natin bilang sambayanan, na “Tama na, sobra na, palitan na.” Dumating ang araw na ito sa katapusan ng buhay ni Rizal kung saan nagliyab ang ating himagsikan kontra sa Espanya. Sa aking pananaw, alam na ni Rizal na sa likod ng paghihimagsik ng kanyang mga kababayan, naitanim na niya ang pagmamahal sa kaalaman, katalinuhan, at pagtitiis sa kanilang mga puso. At kahit nakikita na nya na susugpuin ng mga dayuhan ang ating rebolusyon, naihanda na niya ang paraan upang makamit ng mga darating na salinlahi ang kalayaan.

Isa sa mga tagahanga ni Rizal at isa sa mga bayaning malapit sa kanyang katapatan at debosyon sa bansang Pilipino ay si Apolinario Mabini. Katulad ni Rizal, si Mabini ay isang intelektwal na naniniwala sa reporma bilang tiyak na paraan upang maitatag ang isang lipunang makatarungan.

Sinulat niya,

“Sa paglalagom, hindi nagtagumpay ang Rebolusyon dahil hindi tama ang pamamahala dito; dahil nakamit ng kanyang pinuno ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at hindi dahil sa mga kapuri-puring gawain; dahil sa halip na suportahan ang mga taong kapaki-pakinabang sa taumbayan, tinanggalan niya sila ng pakinabang dahil sa inggit. Sa pamamagitan ng pagtutulad ng pagpapayaman ng sambayanan sa kanyang sariling pagpapayaman, hinusgahan niya ang halaga ng tao hindi batay sa kanilang kakayahan, pagkatao, at pagkamakabayan kundi sa tindi ng pakikipagkaibigan at pagiging kadugo niya; at dahil sa siya’y hindi mapakali na makuha ang kahandaang magsakripisyo ng buhay para sa kanya ng kanyang mga paborito, hinahayaan niya sila kahit sa kanilang mga pagkakamali. Dahil pinabayaan niya ang sambayanan, tinalikuran din siya ng sambayanan; at sa pagtalikod sa kanya ng sambayanan, hindi nakakapagtaka na siya ay bumagsak katulad ng isang imaheng gawa sa pagkit na natutunaw sa init ng kasawiang-palad. Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na hindi natin malimutan ang kasindak-sindak na aral na ito na natutunan kapalit ng hindi mailarawang paghihirap.”

Sa kasaysayan ng ating bayan, paulit-ulit nating nakikita ang pag-apaw ng kawalan ng pagtitiyaga sa umiiral na sistema. Ngunit nakikita rin natin ang paulit-ulit na pagsilang ng panibagong pag-asa na dulot ng pagbabago. Habang mayroon tayong natututunan mula sa mga nakaraang krisis, naghahanap pa rin tayo ng paraan upang mapag-ingatan ang dagdag na kamulatan na dulot ng pakikipaglaban natin sa mga dayuhan, diktador at mga mapanlinlang na pinuno. Ngunit hindi na natin kailangan pang lumayo upang makahanap ng mga solusyon sa ating mga suliranin. Ang kasagutan ay matagal nang nariyan sa mga kasulatan ni Rizal. Ang kaliwanagan na dulot ng buhay at kasulatan ng ating pambansang bayani ay ang kaisa-isang paraan upang maiwaksi ang kakulangan natin ng pag-asa; ang pag-iintriga at inggit sa isa’t isa; ang pagkukulang sa pananagutan at pagkatotoo ng mga hinahalal at naghahalal. Sa masakit, mahirap, at mabagal na pagsasagawa ng pag-ani ng kaalaman, katalinuhan, at pagtitiyaga lamang makakamit ang lipunan ng Pilipinong walang sinasambang mga hari kundi kapatiran at kalayaan.

Sa totoo lang, ang daan tungo sa kalayaan ay naitakda sa dugo ng mga martir na namamatay dahil sa kanilang mapayapang pagkontra. Ang tagumpay ng kalayaan sa kasaysayan ng Pilipinas ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng bala at dahas kundi sa pagtitiis, sa pagpapakita ng isang buhay na makatarungan, at sa kamatayan na marangal. Noong sinuri ng Kastilang doktor ang pulso ni Rizal bago siya barilin, nagulat ang doctor dahil panatag ang pulso nito. Sa kadalisayan ng kabutihan nagmumula ang pag-asa sa kinabukasan.

This column originally appeared in the Philippine Daily Inquirer (via INQ7.net) on June 23, 2005. Archived copy (Internet Archive Wayback Machine).

Avatar
Manuel L. Quezon III.

Leave a Reply